Thursday, January 1, 2009

Para kay En

dahil natulak mo 'kong magsulat tungkol sa paghahanap. Haha at dahil naalala kong minsan ako ri'y naging bata.

Tagu-taguan

Nakailang ulap na ang dumaan.
Tinakpan, pinakita't muling pinakilala
ang buwan.

Umabot na'ko ng sampu,
oras na.

Nakailang ulap na ang dumaan.
Ilang kwagong nakatulog at
naalimpungatan.

Sinuyod ko na ang kakahuyan,
asa'n na.

Nakailang ulap na ang dumaan.
Ilang basong salabat na ang nainom
nang boses ay nawalan.

Naninigas na ang aking kalamnan,
hapo na.

Nakailang ulap na ang dumaan.
Ako'y umupo sa isang batong
kanina pa ako pinagmamasdan.

Ang dating naghahanap,
tago na.

Nakailang ulap na ang dumaan.
Hindi na mapakali ang kanina pang
kinakalinga ng likod ng puno.

At sa bilang ng tatlo,
"Taya ka!"

*

Napasubo ako sa pagtutugma ngayon.

No comments: