Sabi nila,
kapag ika'y nakipagkamay
gamit ang iyong kanan,
ay ibinababa mo ang iyong sable--
isang paniniguro sa iyong kakamayan:
Hindi kita sasaktan.
Muling sabi nila,
kapag ika'y makikipagkamay
gamitin ang iyong kaliwa,
upang ibaba ang iyong panangga--
isang pagpapahiwatig sa iyong kasamahan:
Pinagkakatiwalaan kita.
At mas malapit, ika nga,
sa puso ang kaliwa.
Pero hindi ba't mas magandang
ibigay ang parehong kamay,
tanggalin ang armas at ipakita ang kahinaan;
Hayaang ang sinag ng araw ay
tumambad sa mga mata--
at wala na'ng kasiguruhan sa kinatatayuan mo
Maliban na lamang
sa naglalagos na ilaw sa iyong mga talukap,
ang init ng araw sa iyong balat,
ang hampas ng damo't hangin sa iyong binti--
at ang mga kamay na iyong hawak,
nang walang pag-aatubili.
*
Para sa'yo.
Sunday, January 25, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment