Friday, December 5, 2008

Habang naghihintay

...mag-upload ng pictures from Angel's Apa's debut

Spheres of Influence (for lack of a better title or a fitting phrase in Filipino)

Ginusto kong tumakbo, abutin ang mga natatanaw ko at lampasan pa nga ang mga iyon. Ninais kong sumigaw, ipagkalat sa lahat ang aking pakay. Ngunit sa lawak ng lupain ay napagod din ako. Humulas ang aking pawis, at tumulo sa tigang na lupa. Sa sandaling inabot ng tubig-alat ang mga bitak-bitak na bato, ay tumubo ang isang halaman. Lumabas sa mga hiwa ang mga iyon at binalot ang aking mga paa.

Hindi na ako makatakbo.

Hindi ko na maipagsisigawan.

Umakyat ang mga ugat at hindi nagtagal, binalot na nito ang aking mga binti. Sa simula ako'y luntian hanggang nanuyo na ring paunti-unti ang mga kadena sa'king mga paa. Pinilit kong kumawala hanggang sa maubos ang aking lakas at sumuko na lamang.

Ngunit mabait ang tadhana.

'Pagkat ako'y tinubuan sa'king mga kamay ng pag-asa. Ako'y tinubuang muli ng luluntiang mga dahon. Binalot ng buhay ang aking katawan.

Ano'ng aking ginagawa? Ikinasasaya ang pagkabihag? Naalala ko ang mga lugar na ibig kong marating. Naisip ko ang mga tanawin, ang hanging humahalik sa'king pagtakbo. Binalot ng lugmo ang aking katawan.

Biglang umihip ang hangin. Hinagip ang aking dahon--ang aking pag-asa. Ngunit ano't ano pa, ginulat muli ako ng tadhana. Tinangay ng hangin ang aking dahon sa mga lugar na lampas sa'king tanaw. Dinala ito sa kanyang mga bisig at higit sa halik ang aking naranasan. Lumipad ito't hindi lamang ipinagsigawan ang nais ko. Hatid ng hangin ang aking dahon. Hatid ng hangin ang aking pag-asa. Hatid ng hangin ay ako.

*

Napanood niyo na ba ang Batang Kalakal ng Reporter's Notebook? Kung hindi pa, pakihanap. Mahalagang mapanood ng mamamayang Pilipino ito. Wala akong mahagilap na mga salita upang ipaliwanag ang aking naramdaman noong napanood ko iyon. Sabihin nalang nating,

nanginig ako sa kaiiyak dahil doon.

(...or maybe that's just me--iyakin. Pero di e.)

*

Totoo ba ang sinabi mo? Kung kakailanganing tapusin, tapusin na ngayon habang hindi pa malalim ang pagkakaugat.

No comments: