Saturday, August 23, 2008

Panuorin

Makulimlim ang araw na ito. Katatapos lamang ng ulan at nariyan ka nagtatago sa ilalim ng iyong cocoon--isang malaking plastic na umitim na rin kasama ka. Minsan iniisip ko nga, anong klaseng paruparo ang lalabas sa ilalim niyon. Ikaw ba'y magkakaro'n ng malalapad na pakpak na may mga bintanang tinatagusan ng ilaw tulad ng nakikita ko sa mga larawan ng mga simbahan? O magiging isang itim at malungkot na imahe na hindi nalalayo sa iyong pinagmulan?

*

Ngayong papasok ako at naglalakad ay madadaanan na naman kita. Mukhang araw-araw na ito dahil ipinagbawal na nila ang mga tricycle sa Katipunan. Nakita kitang nagkakamot ng kili-kili. Ang puti mo pala noon.

*

Wala ka ngayon; kinabahan ako. Sabi nila, baka lumipat ka lang. Sana nga.

*

Lumipat ka nga lang. At ipinaalam mo nga sa'king buhay na buhay ka't naroon--sa pamamagitan ng isang tahol, isang ubo.

*

Kakaiba ang araw ngayon. Nakaharap ka sa iyong pader at kinikiskis ang bawat bahagi ng katawan. Tila nililinis ang sarili--nang may pandidiri--mula sa dumi ng mundong hindi mo nais kagalawan.

*

Gabi na at daraan muli ako sa iyo. Ito na ata ang pinakagabing pag-uwi ko. Ano kaya itsura mo kung natutulog? Natutulog ka kaya? Paano?

Bakit nga ba ang sarap mong panoorin?

Ito ang mga tanong na nagpapaingay sa madilim na gabing ito nang palitan ito ng,

"Ano iyon?"

Mabilis akong nahatak paatras sa may leeg. Payong ata ang ginamit. Natawa pa ako sa kaibahan ng kagamitan.

Pero hindi na ito nakakatawa.

Nasasakal ako,

"Sino ka?"

Isa pang Kuya Itim? Hindi maaari. Ilang hakbang pa bago ang iyong lungga. Bihira ka kung tumayo. Ibang kuya ito. Ngunit itim din siya. At walang anumang tumatakbo sa'king isipan hanggang sa itulak na ako sa pader. Nauntog ako at nakita kita nang mapabalikwas ako sa kaliwa upang iwasan ang lumalapit niyang mukha.

At habang pinupunit niya ang aking mga damit ay nayuyurak ang aking damdamin.

Hindi mo ba nakikita ang apoy sa aking mga mata?

Hindi ko maintindihan ang lamig ng sa iyo.

Sabay.

Sabay nayuyurak ang aking mga damit

at damdamin

pagkat pinanonood kitang

panoorin ako.

-----

jealous of the game that is dota.

No comments: