Malakas ang hangin noon, at nangangatog ang aking mga tuhod. Bagong salta lamang ako sa komunidad; maikli pa ang mga balahibo't patayo-tayo pa ang mga ito.
Aba't sino nga naman ang hindi mababakla sa tirik ng bangin sa aming bahay? Nakasisilaw ang sikat ng araw 'pagkat nakaharap sa silangan ang aming kinalalagyan. Sa tinagal-tagal ko rin sa loob ng aking itlog, aba'y hindi pa ako sanay sa ganitong liwanag.
Nakakailang hakbang pa lang ako mula nang hanapin ng aking tuka ang daan palabas ng aking mumunting mundo ay panay na ang tawag ng mga nakatatanda sa'king pagtalon sa sobrang taas naming bangin. Paano mo naman aasahan ang isang tulad ko na tahakin ang tatlong dipang bangin na iyon? Halos kumawala na ang aking puso sa aking dibdib sa kanilang pag-uudyok.
Lumipas din ang mga araw at nakatatayo na ako nang ayos. Naglalaro kaming mga bata ng habulan nang napalapit ako nang kaunti sa'king kinatatakutan. 'Wag niyo 'kong masamain; hindi naman sa ayaw kong subukan. Hindi ko lang talaga alam kung paano ko sisimulan. Tumatakbo ako papalayo kay Juan. Natural, takbuhan e. Bigla akong natigilan dahil talaga namang kagimbal-gimbal ang kalawakan sa'king harapan. Hindi ko nabatid ang paparating nang si Juan.
"Taya!"
Sabay tapik na napalakas nang onti, at ako'y naiharap sa banging kinatatakutan. Kumaripas nang takbo ang aking mga paa ngunit wala nga palang lupa. Pinilit maghanap ng kakapitan ngunit tumatakas lang din ang hangin sa'king tangan. At ano pa ba ang natitirang magagawa ng isang ibong tulad ko? Hampas--hampasin ang hangin sa ilalim ng aking mga pakpak; wagwag--iwagwag ang aking mga balahibo sa hangi'y sumasayaw na; gising--gisingin ang diwang ibon sa'king kalooban; at maging--maging kung ano ang pakay sa'king pamamalagi.
*
NSTP story. Bandang dulo ko na lamang naalala na sa Ateneo nga pala ako nag-aaral at naging tacky dahil parang naging from eaglet to eagle ang dating bagamat wala sa intensyon kong isama ang ideya ng pagiging blue eagle na'tin talaga.