Ano nga naman ang paki ko, kung pinasulat ka ng tatay mo ng isang talumpati para sa kapatid mo? Anong kahalagahan niyan sa pag-inog ng mundo? Ano naman ngayon kung nakawala ka na sa mga luma mong pag-ibig? Sinlaki ba iyan ng mga tinatalakay na isyu ng senado? Ano nga naman ang paki ng mundo sa mga sari-sariling kwento ng kabataan na inililimbag sa Youngblood?
Matagal ko nang pinapangarap na magsulat para sa nasabing column--ang Youngblood ng Philippine Daily Inquirer na inilalabas sa commentary section nila tuwing . Nilalayon ng Youngblood na ilimbag ang iniisip ng mga kabataan ukol sa mundo. Binibigyang boses ng Inquirer ang mga 'di-umano'y walang magawa sa buhay--mga nasa edad 20-something at pababa. Hindi nga lang ako matuloy-tuloy na makapagsulat para sa Youngblood dahil unang-una sa lahat, Filipino ang ginagamit ko kadalasan. Pangalawa ay hindi ko pa rin nahahanap ang tamang paksa na isusulat--iyong mayroon talagang masasabing bahagi ko, iyong maipagmamalaki kong nailimbag(sakali lang naman) sa isang prominenteng pahayagan, at isang sa tingin ko'y may magagawang epekto naman sa mga babasa(muli,isang sakali).
Noong unang taon sa pag-aaral sa pamantasan ay kinailangan naming sumulat ukol sa aming buhay. Madalas gawing halimbawa ng aming guro ang Youngblood at ipinagmamalaki pa nga niyang naisama rito ang isa sa mga magagandang naisulat ng kanyang mag-aaral. Ako naman na sigurista, tinignan ko muna kung ano nga ba ang madalas na naililimbag sa Youngblood. Gamit ang ever-trusty internet, humanap ako ng mga Youngblood articles. Kasama sa mga hits na lumabas sa search engine ay ang mga talakayan ng iba't ibang tao tungkol sa Youngblood. May mga natutuwa at siyempre, mayroong hindi.
Hindi nila nagugustuhan ang Youngblood dahil nasasayang lamang daw ang pagkakataong maipakalat sa mundo ang iniisip ng kabataan sa mga pansariling kwento tulad ng nabanggit sa simula ng sanaysay. Mga maliliit na kwentong dapat ay tinatapalan ng mga hanep na kwento tulad ng kung anong tingin sa pulitika,at kung anu-ano pa.
Unang-una sa lahat sa tingin ko ang Youngblood ay mula at samakatwid para sa kabataan. Ang pagsulat ukol sa mga napakabibigat na kwento ay sa tingin ko magpapawala sa karismang meron ang Youngblood sa mga mambabasa nito. Nawalan na rin ng punto ang pagsulat ng kabataan kung wala ring kabataan ng mambabasa. Hindi ko naman sinasabing walang kakayanang magbasa ng mga ganoong klaseng artikulo ang kabataan, pero tanggapin natin ang katotohanan na mahirap basahin ang mga ganoon.
Hindi ko rin naman sinasabing walang mga ganoong kwento--mga makabuluhang kwento--ang Youngblood. Mayroon pa rin namang mga sumusulpot na komentaryo ukol sa paggalaw ng pamahalaan, at iba pa.
Pangalawa at mas mahalaga, ano'ng problema sa pagkakaroon ng mga pansariling kwento? Ang problema sa ating mga Pilipino ay sa malalaking bagay lamang tayo nakatuon. Nakalilimutang sa maliliit na bagay nagsisimula ang mga malalaking bagay. Malay natin, sa mga maliliit na kwentong iyon natin mapupulot ang mga bagay na magagamit sa paggawa ng mas malalaking kwento. Ang simpleng pagsisikap sa pag-aaral ang siyang makapaghuhulma ng masisikap na propesyonal sa workforce. Ang mga kwento ng pag-ibig ng mga taong 'di natin kilala ay maaaring makapagpalakas ng ating pagmamahal para sa iba pang mga bagay--ng bansa, halimbawa.
Siguro iyon ang dapat nating pagtuonang mga Pilipino--ang isipin sa kung paanong maliit na paraan makatutulong. Hindi naman natin kailangang makapagpabaril sa Luneta, magsimula ng himagsikan o magpaulan ng pera. Hindi natin kailangan ng iisang gawain. Ang kailangan natin ay gumalaw sa lahat ng posibleng maliit na paraan--sa pag-ibig, sa paaralan, sa kalye, sa banyo, sa bubong, sa kung saan--tungo sa iisang malaking layunin.
******
whot ang haba forever ng intro ko :)) wala lang. won't read this again, so sorry for typos and bobong sentences and bobong essay as a whole.
Monday, June 2, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment