Wednesday, July 18, 2007

SA WAKAS!.haha

natapos ko rin ang artikulo.1.12 na sa relo ng laptop na 'to. sobrang sabaw.parang gusto ko magcut sa p.e. bukas kasi puyat ako,pero gusto ko tumakbo.haha.anyway,ang artikulong ito ay hindi yung mismong makikita nyo sa matanglawin, dahil may mga kasama akong magsusulat tungkol sa topic na Kalagayan ng Wikang Pambansa. depende nalang yun dun kay hermund na pagsasamahin yung mga ginawa namin.sakaling wala sa anuman sa sinulat ko ang lumabas, okay lang. nag-enjoy ako sa artikulong ito:D

******************************************************************************************

Kung ihahambing ang wika ng bansa sa isang tao, masasabing namatay at nabuhay na nang sampung ulit ang ibang wika ay kapapanganak pa lamang ng Filipino. At ngayon, kasabay ng kanyang paglaki ang mga suliraning maaaring magpatibay o kumitil sa kanya.

O talaga?

Araw-araw ay ginagamit natin ang wikang Filipino at tulad ng karamihan sa mga bagay na kinasanayan na natin, hindi natin napapansin ang mga nangyayari rito. Hindi naman pinag-uusapan ang wika sa mga pang-araw-araw na talakayan kaya hindi rin nakapagtataka na karamihan ng mga karaniwang mga tao ay hindi alam kung anong suliranin ang kinakaharap ng ating wika.

Oo, bagamat lingid sa kaalaman ng karamihan, may suliraning kinakaharap ang ating wika. Sa katunayan, malalim na ang nasasaklaw ng problema ng ating wika.

Noong taong 2004 ay may ipinalabas na Executive Order 210 ang pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nakapaloob sa pag-uutos na ito na dapat gamitin ang Inggles bilang pangalawang wika simula Unang Baitang at bilang pangunahing wikang panturo sa pitumpung bahagdan (70%) ng oras na nakalaan sa pag-aaral. Maraming tao ang hindi sang-ayon sa pag-iimplementa ng nasabing pag-uutos sapagkat nilalabag nito, ayon sa kanila, ang konstitusyon. Sa katunayan, ilang beses nang naghain ng petisyon ang mga tulad nina Isagani R. Cruz, Virgilio Almario, Bienvenido Lumbera at iba pa sa Mataas na Hukuman na ipatigil ang pagpapatupad nito. Ayon kay G. Ricardo Nolasco, Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ”...misinformed iyong WIKA(isang grupong kinukwestyon ang EO210 at nakapaghain na nang tatlong beses ng petisyon sa mataas na hukuman), kasi hindi nila nabasa iyong EO 210. Ang nakalagay doon sa EO 210 ay strengthening the use of English as the second language...”. Kung pag-uusapan ang paggamit ng Inggles at Filipino sa mga paaralan, ay wala talagang nilalabag na batas ang EO 210. Matagal nang bilingual ang pamamaraan ng pagtuturo sa ating mga paaralan. Subalit kung pag-uusapan ang tungkulin ng pamahalaan na paunlarin ang Wikang Pambansa, ay malinaw na may pagkukulang ang pamahalaan.

Malaking isyu man ang paglabag ng pamahalaan sa konstitusyon at dahil sanay na naman tayong nilalabag ng Administrasyong Arroyo ang Saligang-batas, may mga isyung di hamak na mas magulo pa rito. At ito ang pagpipili ng kung anong mas mainam na patakarang pangwika ang gagamitin natin sa ikabubuti ng lahat.

Isa laban sa marami

Matagal nang usapin ang kung anong patakarang pangwika ang mas nakabubuti sa ikauunlad ng bayan. Sa usaping ito ay may dalawang panig, ang mga naniniwala sa ”Isang bansa, isang wika” at ang mga naniniwala sa ”Maraming wika,matatag na bansa”.

Para sa artikulong ito, tatawagin kong monolingual na kaisipan ang ”Isang bansa,isang wika” at multilingual naman sa ”Maraming wika,matatag na bansa”.

Unang nakilala ang katagang ”Isang bansa,isang wika” noong panahon ng Pangulong Marcos. Sinasabing ginamit niya ito upang mapairal ang diktatorya at maipatupad ang kaisahan ng bansa. Naniniwala ang mga tagasuporta ng monolingual na kaisipan na ang daan tungo sa kaunlaran ay ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa, at sa kaso natin, ang Filipino. Kaya naman kinakalaban ng mga monolinguista ang EO 210 sa paniniwalang hinahadlangan nito ang pag-unlad ng wikang Filipino sa akademya.

Sa kabilang banda, ang ”Maraming wika, matatag na bansa” ay isang katagang ginagamit ng Komisyon sa Wikang Filipino sa ilalim ng bagong Komisyoner na si G. Ricardo Nolasco. Ang paniniwalang multilingual ay umiikot naman sa pagpapaunlad ng lahat ng mga wikang ginagamit sa ating bansa. Naniniwala kasi ang mga multilinguista na hindi lamang Filipino ang dapat na pinagtutuunang pansin. Sa halip, dapat pagyamanin din ang 170 na iba pang wikang rehiyonal na mayroon tayo. Nagkakaroon daw kasi ng inferiorization of many Philippine languages sa paggamit natin ng wikang Filipino. Naisasantabi, o napapatay pa nga ang mga wikang bernakular sa monolingual na paniniwala. Higit pa riyan, kasama ang Inggles sa mga wikang nais nilang paunlarin. Nakapokus ang mga multilinguista sa kombinasyon ng wikang rehiyonal, wikang pambansa at wikang Inggles upang makamit ang layuning mapaunlad ang bansa.

Intelektwalisasyon at globalisasyon: mahahalagang punto ng magkabilang panig

Ang dalawang paniniwala ay magkaibang tunay kaya’t malaking gulo talaga ang inaabot ng mga usapang ito. Kaya naman malaking tulong kung pipili tayo sa pamamagitan ng isang bagay na sa pagpapalagay ng dalawang paniniwala ay mas bubuti kung isa sa kanila ang pipiliin—ang akademya.

Mahalagang punto ng mga multilinguista ang matinding pangangailangang hatid ng globalisasyon ngayon sa mga taong marunong at mahusay magsalita ng Inggles. Ang pangangailangang ito ang nagtulak sa pagpapasa ng EO 210. Subalit ang paniniwalang Inggles ang wika ng globalisasyon ay isang maling nosyon. Maraming nang mga bansa ang gumigitaw ngayon bilang mga malalakas na bansa sa larangan ng komersyo at iba pa. Darating ang panahon na ang mga bansang ito ay matatapatan o mahihigitan pa nga ang kapangyarihang hawak ng mga bansang Inggles ang wika. Kapag dumating ang panahong iyon, papalitan naman ba natin ang wikang pagkakapitan at sasambahin natin? Higit pa riyan, ayon sa pag-aaral nina Diane Dekker at Catherine Young na ”Bridging the Gap: The development of Appropriate Educational Strategies for Minority Language Communities in the Philippines”, makatutulong nang malaki ang paggamit ng katutubong wika upang maintindihan nang mabuti ng isang mag-aaral ang iba pang mas mahihirap na larangan. Nahihirapan na nga ang mag-aaral na maintindihan ang mga teorya ng mismong pag-aaral, daragdagan mo pa ng hirap na intindihin ito sa wikang hindi naman niya nakasanayan. Kung nais talaga nating maibukas ang ating bansa sa globalisasyon, hindi dapat natin inihahandang ipadala ang mga estudyante sa mundo. Sa halip, at sinisipi ko ang sinabi ni G. Michael Coroza, ”baligtarin natin ang paningin: ang globalisasyon ay hindi palabas,[kundi] papasok.”

Napag-uusapan na rin lamang ang globalisasyon, matagal nang inihahambing ang pamamaraan ng pagtuturo ng ating bansa sa pamamaraan ng mga kalapit-bansa natin. Marami kasi sa kanila ang ginagamit ang sariling wika sa pagtuturo ng karamihan, kung hindi lahat ng mga asignatura sa paaralan. Ito mismo ang ipinaglalaban ng mga monolinguista. Ayon sa kanila, nakikita naman natin kung gaano katagumpay ang mga bansang intelektwalisado na ang kanilang wika. Subalit kontrobersyal na usapin ang intelektwalisasyon ng isang wika. Maraming nagsasabi na kung sakaling kaya nating isalin ang mga kaalaman na mayroon ang iba’t ibang wika ay matagal at mahirap ang prosesong kailangan pagdaanan. Isang daang taon, ang sabi pa nga ni Sibayan, ang kailangang lumipas bago natin makamit ang nasabing layunin. Isang napakaimposibleng gawain, kung iisipin. Ngunit ayon kay G. Zafra, ”Kinakailangang paghiwalayin natin ang intelektwalisasyon bilang isang layunin at intelektwalisasyon bilang isang proseso. Kung layunin ang pag-uusapan ay maaari ngang sandaang taon pa ang hihintayin natin ngunit kung proseso naman ang pag-uusapan, dapat ay nagsisimula na tayo at ginagawa na natin ito sa kasalukuyan at mararating natin ang layuning iyon.” Isa pa, kung tayo’y mananatili sa wikang Inggles ay maisasantabi natin ang karunungan na nakapaloob sa wika ng iba pang mga dayuhang bansa at lalung-lalo na ang dunong na nasa wika natin mismo.

Ayon sa pagtitimbang na ginawa, sa tingin ko’y mas makabubuti ang monolinguistang paniniwala. Naresolba na ang usaping globalisasyon, pagkat mali ang pagkakaintindi natin ng globalisasyon. Kung pagkamatay o pagsasantabi sa mga rehiyonal na wika lang naman ang problema, ay nasosolusyunan iyon sa pagsasama ng mga termino sa wikang Filipino. Bagamat hindi pa palaging nagagamit at kakaunti pa lamang ang mga naisamang rehiyonal na mga termino, isa na itong simula at hindi tayo dapat mainip. Pagkat ang wika natin ay napakabata pa. Isang napakalaking kalapastanganan sa simbulo ng ating bansa ang pagpigil sa pagyabong o sa mismong pagkabuhay nito. Naniniwala akong sa pagtitiwala at pagpupursigi ng mga mamamayan at hindi lamang ng mga dalubwika at mga makata, makakamit natin ang isang wikang nagsisilbi sa kanyang bayan—nagpapaisa, nagpapatibay at nagpapasulong sa bayan.

No comments: