[some wishful thinking...kailangan ko lang hanapin ang sarili ko.]
Sa pagnanais ng katahimikan ako’y umupo sa semento sa may harapan ng aming bahay. Aking sinilip ang mga talang hindi nahihiya at hindi kinukubli ng mga ulap. Mainit ang panahon at hindi ito tulad ng mga gabi ng mga nakaraang pasko. Wala kang mararamdaman na pagnanais yumakap ng unan o uminon ng mainit na tsokolate. Ngunit umupo pa rin ako—sa nag-iisang malamig na bagay maliban sa aking puso, ang semento.
Matagal ko na siyang hindi nakakausap at nakakamusta. Bagamat madalas ko siyang nakikita at nakakasama sa paaralan, sa bahay, maging sa dyip na aking sinasakyan pauwi. Mula pa pagkabata ay magkasama na kami. Paminsan-minsa’y nawawalay kami sa isa’t isa ngunit iba ngayon; iba ang gabing ito.
Bago pa ako malunod sa mga alaala at alikabok ng inuupuang semento, dumating siya. “Matagal na kitang ‘di nakakausap a. Halika nga’t umupo ka. Kailangan kita rito,” ani ko sa kanya. Umupo naman siya at pinaunlakan ang aking imbitasyon.
Sinindihan ang unang kandila ng adbiyento—ang kandila ng pag-asa.
Wala pa ring nagbago sa kanya. Siyam pa rin ang nunal niya sa kanang kamay, kulot ang buhok at sobrang payat. Kumikinang ang mga nakasabit na ilaw sa kisame ng labas ng aming bahay sa kanyang bilugang mga mata. Matalas ang mga iyon tumingin at natahimik lamang ako sa lakas ng kanyang dating. Iyon ang mga matang malayo kung makatanaw. Iyon ang mga matang nakilala kong ginawa nang may pag-asa. Iyon ang mga matang hindi ko nakitang mamatayan ng apoy.
Nakimi lang kami nang ilang minuto habang ang kanyang mga matang may lakas ng hindi ko malamang pwersa ay tinitignan ako nang parang nangungutya.
Sinindihan ang pangalawang kandila ng adbiyento—ang kandila ng daan.
“Saan ka nanggaling?” ang una kong tanong sa kanya nang sumobra na sa sampung minuto ang aming katahimikan. Matipid niyang isinagot ang, “sa tabi-tabi lang”. Matahimik siyang tao. Hind tulad ko na kinailangan pang pagsabihan upang maipreno ang humaharurot na bibig. Ika nga nila ay malalim ang tahimik na ilog. Siya iyon, at hindi ako. Marami siyang bagay na itinatago sa kanyang kalooban. Mga bagay na hindi mo aakalaing naro’n pala. Mga bagay na puno ng buhay at pag-asa. Mga bagay na matagal ko nang hinahanap at sa kanya ko lamang natatagpuan.
Sinindihan ang ikatlong kandila ng adbiyento—ang kandila ng kaligayahan.
Inulit ko sa kanya ang tanong, “Saan ka ba talaga nanggaling?” “Narito na ako. Wala na sigurong kwenta ang kung saan ako nanggaling o paano ako nawala” ang paliwanag niya sa akin. At hinawakan niya ang aking kamay. Ang kanyang kamay na may init ng ligaya.
May mga inilabas siya. Isang aklat The long road of dreams ang pamagat. “Naalala mo ito?” tanong niya sa’kin. Oo, naalala ko iyon. Ang aklat na naglalaman ng mga pangarap niya. Ipinakita niya sa akin ang makakapal na tisyu, size 4, pilas ng mga notebook, bond paper at lahat na ata ng papel sa mundo. Mga tula niya ang nakasulat doon. Ang kanyang mga ideya, pananaw at paniniwala na sinubukang isulat at itali sa papel. “Nababasa ko ang tingin sa iyong mga mata,” bulong niya sa akin. “hindi lamang ito akin kundi sa’yo rin.”
At bigla na lamang siyang nawala. Ngunit ramdam ko ang init ng kanyang kamay, layo ng tanaw at himig ng katahimikan.
Naglaho ang manipis na linya ng panahong naghiwalay sa’ming dalawa.
Sinindihan ang huling kandila ng adbiyento—ang kandila ng kapayapaan.
Sa pagnanais ng katahimikan ay hinanap ko siya. At nakita. At aking naalala na siya ay ako at ako ay siya. Marahil sa bilis ng panahon ay aking nakaligtaan kung sino ako, kung sino siya. Marahil naiwan ko ang aking sarili sa kung saan na aking nadaanan. Marahil tulad ng mga tala ay naikubli lamang ang aking pagkatao ng mga ulap. Mali lang siguro ang tingin ko. Ngunit wala nang kwenta kung saan ito nanggaling o kung paano nawala. Ang mahalaga ay narito siya sa akin at naroon ako sa kanya.
No comments:
Post a Comment