Wednesday, February 20, 2008

pagmumuni-muni

Sa may ilalim ng tulay ay isang katotohanan sa ilalim ng kamalayan

Araw-araw, kung maaga ang aking pag-uwi ay nilalakad ko ang kahabaan ng Katipunan hanggang sa sakayan sa may ilalim ng tulay. Kasama ng dahan-dahang naiipong usok sa lahat ng butas ng aking mukha ay ang mga kung anu-anong maisip na bumabara sa’king ulo.

Isang bahagi ng maikling paglalakad na ito ang pagdaan ko sa isang mamang kaiba ang itsura sa mga madalas kong makasalamuha. Nakaupo lamang siya doon, kasama ang kanyang mumunting supot at ang nanlilimahid niyang teritoryo.

Minsan sa aking paglalakad habang ako ay nalulunod sa kung anu-anong iniisip ko ay naratnan ko ang kanyang pwesto. Nang biglang may malaking itim na nilalang—hindi tao ang aking nakita.

Oh fuck.

Si manong pala iyon ngunit hindi tulad ng mga nakaraang araw, nagulat ako sa kanya—natakot at ginusto ko pang humilig sa panig ng mga rumaragasang sasakyan at sumisipol na mga tsuper. Umiwas ako at nagsisi. Bakit ako natakot sa kanya? Ako na nagsasabing dapat siya kainggitan sa ilang mga araw na nakita ko siyang tumatawa, ako na ginusto na siyang kausapin, ako na hindi naman dapat takot. Umiwas ako at ang naramdaman ko ay hindi na mababawi—parang lumagpas na MRT station, parang mura ng ina sa kanyang anak, parang long test sa Math na hindi napaghandaan. Ang aking naging reaksyon ay hindi napag-isipan. Isa rin ba itong katotohanan sa ilalim ng aking kamalayan?

Ang karanasang ito ay nagdiin ng isang tanong na kamakailan lang naidiin sa akin. Matagal ko nang kagustuhan ang makapaghatid ng pagbabago sa mundo, sa bansa, sa bayan, sa pamilya o kahit sa isang tao man lang. Ngunit nang aking suriing muli ang aking sarili naitanong ko kung ano nga ba ang pakay ko. At masakit mang aminin may bahagi sa aking nagsasabing gusto ko lamang tumulong para sa ikasisiya ko.

Mahirap aminin na ang mga bagay na pinag-usapan mo sa ibang mga panahon, na sa iyong pag-aakala, nang may buong puso at pananalig ay mga mababaw at makasariling pagnanais lamang. Ang isiping salungat pala sa pinaninindigan mo ang tunay na layon ng mga iyon ay mahirap na maintindihan.

Sa ngayon ay wala pa akong mahanap na sagot sa aking mga katanungan. Subalit sa tingin ko ay maihahalintulad ang aking napagtanto sa pagtanggap ng isang malalang sakit. Matagal na siyang nariyan ngunit mahirap pa rin tanggapin. Hindi ko alam kung magagamot pa ito.

Sana ay magamot pa nga.

Isang hiling na hindi ko alam kung hiling ko para sa aking lamang o para talaga sa kanila.

No comments: