nasaan ang hanggahan ng doon at dito?
sapat na ba ang dilaw na tulay
sa pagitan ng project 2 at 3?
oo ang linyang nakaguhit
sa papel na tinawag na mapa
ng kung sinong manggagalugad?
Bakit ang mga bata sa bahay
ng Hari
ng mga hari
ay walang salawal
at nakahandusay
na tila mga palakang...
maski halikan ay di magbabagong anyo?
Bakit lumilingkis ang sawa
sa posteng
nakita sa unang
segundo pa lamang?
Anong kahalagahan
ng pagtirik ng kandila
sa ikatlong antas
sa pinakakanan
ng mahabang bakal,
at
anong kahalagahan
ng tatlong magkakatabing kandila
sa pagtinagtirikan
sa ikatlong antas
sa pinakakanan
ng mahabang bakal,
at
higit sa lahat
ilang hiling na
ang naibulong
sa ikatlong antas
sa pinakakanan
ng mahabang bakal?
Bakit kailangang may aso
sa pinuntahan ko,
naaamoy ba n'ya
ang dugo mula sa'king sugat;
susundan ba ako
at susunggaban?
Hanggang kailan
gugulong
ang malamig na java chip frapp
sa kaliwa kong
dibdib?
Bakit ikaw ang nasa isip
sa isang rolyo ng mga larawan
at bakit hindi ikaw
ang katabi ko sa
pagkakataong ito?
Totoo ba ang mga emosyong iyan
na inilalantad mo
sa malawak na bulwagan
ng mga isip
na pakunwang nag-iisip
at pakunwang nakikinig
sa iyong maaaring
pakunwang hingapis?
Ilang tanong at maililista
ng mga tulad kong naglalakad
nang mag-isa
sa kahabaan ng EDSA?
Sunday, February 3, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment