Sunday, January 18, 2009

Nagpapakasabaw

Damayan mo na rin ako. Alam mong sabaw na'ko 'pag nagsimula na'kong gumuhit. Hahahahahaha. Nawawala kasi ruler ko e.

(Oo na, di na'ko magaling gumuhit. Alam ko na yun, matagal na.)

Featuring::

My 2XS P.E. Shirt na papasa na bilang night shirt, my penguin boxer shorts :)) , my NSTP whiteboard
Ang mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ng Nawawalang Reglador
(The Wonderful Adventures of the Lost Ruler)

Saturday, January 17, 2009

Laging handa

Napag-usapan kanina ang pagkamatay (actually, ang pagpapakamatay) at naalala ko lang na dumaplis sa utak kong handa na'kong mamatay. Hindi naman sa paraang gusto ko na kayong iwang lahat, naisip ko lang na wala na ngayon ang takot ko dating mawala sa mundong ibabaw nang walang naiiwang bakas. Patawarin ang pagkamahangin pero pakiramdam kong may naiwan naman na'ko sa mundong ito, maski pipiranggot. Pakiramdam ko may nahatak naman na'kong lubid sa kung saan na pwedeng makatulong na rin. At saka, may internet na...Nakasave na ang mga bagay-bagay at baka sakaling sa hinaharap may makabasa nito, maisip oo nga, at "buti nalang may nabuhay na Koko". Handa na'ko sa tingin ko. At may isa pa'kong dahilan pero akin na lang din iyon.

Ikaw, handa ka na?

*

Accounting case na sa Huwebes at papetixpetix lang ako. Natulog lang kagabi, nanood ng t.v. kanina. Pero ngayong araw na'to masasabi kong mas marami pa'kong natutunan kaysa pag-upo nang buong araw sa harap ng guro. Sira na naman multi ko, btw.

Friday, January 16, 2009

Group conformity

Sabi sa SA, likas sa tao ang sumunod, alinmang nasyonalidad pa 'yan. Pero mas madali nating sabihing pinakamadaling mauto mautusan ang mga bata. Ngayong araw, napaalalahanan ako rito.

Kanina, nag-NSTP insertion kami--una para sa taon. Kasali sa kwentong ito ang isang blockmate (itago nalang natin sa pangalang) Kuya P, ako at ilang mga bata.

Kuya P: O gusto niyo ng brownies? Sige. Bibigyan ko kayo kapag....
Ako: *Pupungay-pungay pa ang mga mata dahil inaantok*
Kuya P: ....Sinabunutan niyo siya!!!!
Ako: :-O :-O :-O
Mga bata: *Sugooood!!! Sabunooot!!!*
Ako: Araaaay.


Yun lang. hahahahaha

Tuesday, January 13, 2009

Magiging ayos lang ang lahat.

Kahapon sa pagcommute ko sa jeep, nakasabay ko ang isang bata. Taga-Miriam grade school siya at mukhang first time niyang magcommute. Kasama naman niya ang kanyang yaya pero halatang kabado siya. Pagkaupo niya sa jeep, humarap siya sa bintana't patagong nag-sign of the cross. Nakita niya atang nakita ko ang ginawa niya, at parang nag-alangan siya. Para bang nahiya sa ginawa.

Sa likod ng isip ko, binulong ko sa kanya. Ayos lang matakot. Ayos lang magdasal. Ayos lang kabahan. Ayos lang na makita ka nilang nagssign of the cross. 'Wag kang mahiya. Magiging okay rin ang lahat.

Pero 'di ko yun nasabi sa kanya, malamang.

Napag-isip-isip ko lang sana may nagsabi rin sa'kin ng mga salitang iyon noon. Sana 'di siya mag-end up katulad ko. Sana may magsabi rin sa'kin nito. ('Wag niyo nang sabin ngayon, dahil parang beats the purpose na dahil sinabi ko nang sana sinabi niyo 'yun.)

Baldado

Marami akong hindi alam gawin. Hindi ako marunong mag-bike, hindi ko kayang mag-serve man lang para sa badminton; hindi marunong gumuhit nang matino; hindi ko kayang umiwas sa bola kapag paparating na't sasapul siya sa'king mukha.

Marami rin naman akong kayang gawin. Kaya kong itaas ang kilay ko nang salit-salit; kaya kong igalaw ang toes ko sa mga paraang hindi kaya ng iba (or si Ate lang ata); kaya kong sumipol nang palabas at paloob bagamat walang tono. Lahat nga lang ng ito pinag-aralan ko, pinagsikapan at natutunang mag-isa. Kung 'di mo napapansin, lahat iyan kayang pag-ensayuhan mag-isa. Ito'y dahil ayoko 'yong nakikita ako ng mga taong hindi marunong, hindi magawa ang kailangang gawin, mahina.

At iyon na siguro ang pinakamalaki kong takot--ang makita ng mga taong baldado. Maraming aspeto itong takot ko sa pagkabaldado. Nabanggit na ang ilan kanina. Takot din akong magka-Alzheimer's. Para rito, kinakabisa ko ang mga numero ng mga kaibigan ko, pinsan, magulang maski ang mga telepono ng mga nakikita naming Contact Nos. para sa mga natatanging business. Kinakabisa ko rin ang mga plate number ng mga kaibigan ko, at ng mga kotseng madalas kong makita. Ayoko lang talaga na makita ng taong wala nang kwenta.

Hindi ko maalala kung bakit ayaw ko ng ganoong pakiramdam; may salita sa Inggles na talaga namang angkop para rito: vulnerable. Hindi kayang sikmurain ng ego ko ang makitang ako ang mahina. Hindi ko sigurado pero sa tingin ko nag-ugat ito sa mga panahon noong bata akong laging pinagtatawanan, pinagti-trip-an at kung anu-ano pa. Hindi ko alam kung talagang gano'n nga pero iyon ang pakiramdam ko noon. Madalas akong mapahiya, at ayaw ko nang napapahiya pa muli. Dahil dito iniiwasan ko ang mga bagay na lalo pang magpapahiya sa'kin. Ngayon ko lang 'to sasabihin--hindi talaga ako takot sa bola mismo (oo dahil nagwwince ako sa pagdaan sa mga bola, at ito rin ang palusot ko para sa mga paanyayang maglaro ng basketball, for example). Takot akong mapahiya sa paglalaro kaya ayoko ng mga ball games. Ayun lang naman.

Kaya rin ako masungit. Dahil pakiramdam ko sa ganoong paraan ko lang makukuha ang respeto ng ibang tao; so that they may take me seriously. (Pero di naman ako gano'n kasungit di ba? :o3 hahahaha)

Ngayong binabasa ko muli ang aking sinulat isa lang ang masasabi ko--na nabanggit din naman sa'ming pinanood nung isang araw sa klase (sa Psy101): ang mga takot ay nag-uugat sa ibang mga bagay. Dagdag pa riyan ay tumutubo pa ang mga ito sa iba pang mga sanga. Sa ngayon mabuting malamang wala akong phobia bagamat takot talaga ako sa mga hayop at ayoko lang talaga sa kanila. Ang malamang nag-uugat din ang mga takot ko sa ibang bagay ay isa ring magandang bagay, ngunit sa ngayon wala pa'kong oras upang intindihin ang mga ugat na'to. Abala pa'ko sa pagkabisa ng mga numero ng kaibigan ko.

*
Random thoughts, here they come.

Yun lang naman. Teacher Pia, wag ko na kaya ipass hard copy? haha ito nalang o. May side comments pa. hahaha sabaw

Darating ba tayo sa puntong 'yon?

Kasalanan na ba 'to?

Nagguidance interview ako kanina tapos sabi niya masasabi ko bang 100% M.E. ang puso ko. Sabi ko, tipong hindi ko masasabi 'yan, pero kung titignan ko ang ibang options parang gugustuhin ko nalang din magstay. Tapos tinanong niya kung naaalala ko raw ba yung dahilan ko kung bakit M.E. pinili ko. I seriously stuttered in this part, dahil ewan nahihiya ako 'pag pinag-uusapan 'to. Baka kasi di nila maintindihan. Kung handa kang umintindi't usiserong talaga, tanungin mo nalang ako 'pag tayo'y nagkita. At dahil napag-usapan na rin namin kung bakit ko napili ang M.E., napahapyaw kami sa kung ano raw ginagawa ko when the going gets tough, para makaraos sa mga hassle at stress. Sabi ko pinaaalalahanan ko lang ang sarili ko sa dahilan ko kung bakit ba'ko nandito. Bakit ko ba ginagawa 'to. Tapos sabi niya ayos daw yon. Tas namention niya yung 5-step plan na binanggit sa isang movie ni Toni Gonzaga't Sam Milby. Have a goal, alamin kung bakit mo 'yon ginagawa, something, something, have fun. Tinanong niya ko kung ano raw ginagawa ko para naman magliwaliw. Destressor daw, ano. Sabi ko,

uhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhh

sulat lang po. tsaka tulog.

And then her face had this expression-- "My point exactly."

Saturday, January 10, 2009

Parang Kill Bill lang.

Anupa't kung minsan, higit pang maginhawa ang pagdukot sa sariling mata
-Oriental ni Rio Alma

Mahirap talagang mabuhay sa mga panahon ngayon. Minsan gusto na lamang nating kumawala sa mundong ito; saktan ang sarilit't dukutin ang mata: gumawa ng bagong dimensyon, mamuhay sa isang ilusyon, kalimutan ang batas at maging malaya nang lubos.

Ngunit kaakibat nito ang pag-iwan sa lahat, ang pagputol ng bawat ugat, ang pagluha mo ng dugo, ang kawalan ng iyong paningin.

Karapat-dapat ba ang iyong ilusyon sa ganoong sakit? Handa ka bang dukutin ang iyong mga mata?

Nagsasayang ng oras

Ang tanging bagay na laging nariyan--bakit iyon pa ang madalas na inirereklamong kulang? Wala akong oras. Pa'no mo gagamitin ang oras mo? Pwede ba'kong makabili ng oras? Ang dami kong gustong gawin. Gusto kong manood ng Curious Case of Benjamin Button. Gusto kong magbasa. Gusto kong magsulat ng tula. Gusto kong matulog nang buong araw. Gusto kong maintindihan ang math. Gusto kong maintindihan 'tong Oriental. Gusto kong malaman kung aabot ba tayo sa ganu'n. Gusto kong malaman mong nasaktan talaga ako sa sinabi mo. Gusto kong maging masaya. Gusto kong maging masaya. Gusto kong maging masaya. Sino ba'ng hindi, diba?

*

Nag-aanalyze ako ngayon ng tula kasama ang isang kaibigan. Wala akong Fil ngayon. Ang hirap lang gumawa ng isang bagay na gusto mo talaga tapos ang sama sa pakiramdam pagkatapos kasi iba naman ang dapat mong ginagawa. Nagsasayang ako ng oras...nasasayang nga ba?